Cordillera Heroes: Katutubong Dangal, Katutubong Tapang

News and Statements

,

Thoughts and Essays

Cordillera heroes at the Bantayog ng mga Bayani

(This speech was delivered in July 10, 2021 by Bantayog ng mga Bayani Executive Director May Rodriguez during the opening of the Katutubong Dangal, Katutubong Tapang Cultural Fair, a celebration for Cordillera heroes and unveiling of the Kalinga heroes monument replica at the Bantayog grounds. Photos from Altermidya, TAKDER, and Raymund Villanueva of Kodao.)

Magandang umaga sa inyong lahat. 

Sa ngalan ng Bantayog ng mga Bayani Foundation, nais ko kayong iwelcome dito sa Bantayog amphitheater, kung saan ating kinikilala at dinadakila ang mga martir at bayaning lumaban sa diktadurang Marcos.

Noong 2017 sa gilid ng kalsada sa komunidad ng Bugnay, bayan ng Tinglayan, sa probinsya ng Kalinga, ay itinayo ang isang napakagandang bakal na monumento na nagtataglay ng 3 mukha ng mga bayaning galing sa Kalinga, tatlong bayaning kasama na ring naiukit ang mga pangalan dito sa mga itim na batong pader ng Bantayog ng mga Bayani.

Nakilala ang monumentong ito sa Kalinga, at naging epektibong paraan iyon upang maipaunawa ng mga kasalukuyang henerasyon ang naging pakikibaka ng mga Kalinga, kasama ng mga mamamayang Bontoc, sa pagtanggol nila ng kanilang komunidad, kultura at lupang ninuno mula sa mga mapang-abuso at mapang-aping proyekto ni Presidente Marcos. Ang isa diyan ay ang project ni Marcos na magtayo ng apat na dam sa ilog Chico upang makagawa ng kuryente at magamit ng mga taga-ibaba, lalo na ang mga korporasyong sobrang nangangailangan ng kuryente. Ang pagtutol nila, na nagsimulang mahina at maliit, ay lumaki nang lumaki, hanggang napilitan ang gobyerno ni Marcos at ang inuutangang bangko, ang World Bank, na iurong ang proyekto. Pero para makamit ang tagumpay ay matindi ang naging sakripisyo ng ating mga kapatid –ikinulong, pinaalis sa kanilang mga lugar, ninakawan, sinira ang kanilang mga kabuhayan, may mga pinatay. 

Kaya noong isang taon, 2020, nang mabalita na ipatatanggal ng gobyerno ang monument sa Tinglayan, binatikos ang planong yan ng marami sa Cordillera, sa Baguio, at pati dito sa Maynila. Kasama ang Bantayog sa mga tumutol sa planong iyon.

Sa isang statement, sinabi ng Bantayog na ang monumentong gusto nilang sirain ay napakalahaga sa kasaysayan ng ating bayan. Hindi lang nito binibigyang-pugay ang tatlong taong nakaukit ang mukha sa monumento. Binibigyang-pugay din ang libo-libong mamamayan ng Cordillera na nagtanggol ng kanilang lupang ninuno. Hinarap nila ang mga army at constabulary ni Marcos at mga pulitikong madudulas ang dila. Marami ay ni hindi nakapag-aral pero sinikap nilang unawain kung bakit pinakikialaman ang kanilang buhay at kung bakit tinutugis ang kanilang mga lider at tagapagsalita. 

Sinabi ng Bantayog, it is hard to find a more moving example of a David-and-Goliath tale as the story of how these mountain people defended their land and culture from the powers-that-be. Maghanap ka ng kwento ng maliliit na tao na nagtanggol ng sarili – at nanalo — laban sa makapangyarihang higante, at walang-palyang lalabas ang kwento ng mga Kalinga at Bontoc na nakibaka laban sa Chico Dam Project noong 1970s at 1980s.

Arugain. huwag sirain, ang Cordillera marker, at pakinggan ang boses ng mga tumututol, ito ang hiningi ng Bantayog. Alam naman natin na nitong Enero ay dumating ang mga inutusang pulis at kanilang itinumba ang monumento. At alam din natin siguro na itinayo na naman uli ito ng mamamayan ng Kalinga nito lang mga nakaraang buwan.

Ang itatanghal ngayong umaga dito sa Bantayog ay replica, o kahawig noong nakatayo sa Tinglayan. Ginagawa natin ito ipakita ang ating pakikiisa sa mga nakikibaka sa Cordillera. ,Hihilingin kong masdan ninyo ang monument, at pagkatapos ay iangat ninyo ang inyong mga mata, at pansinin ang mga batong itim na may mga pangalan. Tatlong pangalan diyan ay siya ring may-ari ng mga mukha sa panels na ating pinasisinayaan ngayon. Sino ba ang tatlong ito? Sila ay pawing galing sa tribong Butbut sa Kalinga. 

Cordillera heroes at the Bantayog ng mga Bayani

Si Macli-ing Dulag ay lider ng mga Butbut, pinatay ng mga sundalo noong 1980, at kinilala ng Bantayog noong 1992. 

Si Pedro Dungoc ay kapitbahay ni Macliing, isa sa iilan sa kanila na natutong sumulat at nakaabot sa kolehiyo, umuwi at naging batang lider din ng mga Butbut, naging tagapagsalita ng mga nakikibakang mamamayan, ay namatay sa gitna ng isang bagyo noong 1985. Kinilala sa Bantayog noong 2003. 

Si Lumbaya Gayudan, matapang ding lider ng mga Butbut, ay namatay sa katandaan, at kinilala sa Bantayog noong 2017. 

Tatawagin ko rin ang pansin ninyo sa dalawa pang pangalan sa mga itim na pader na yan. Ang isa ay si Ernesto Lacbao, lider ng mga Kalanguya sa Benguet. Tumutol sa militarisasyon ng kanyang bayan. Pinag-initan ng mga sundalo ang pamilya pero namuno pa rin sa pakikibaka. Namatay sa sakit at kinilala sa Bantayog noong 2015. 

At panghuli, ang kaisa-isang babaeng lider-etniko sa listahan ng Bantayog, si Dalama, o Elma Villaron, galing sa komunidad ng mga Tumandok sa Panay. Itinatanging babae ng mga Tumandok, at namuno sa kanilang pakikibaka. Kinilala ng Bantayog noong 2017.

Cordillera heroes at the Bantayog ng mga Bayani

Lima silang katutubo. Pawang hindi mabibigat na tao. Hindi kilala. Hindi nakalayo sa eskwela, liban sa isa. Pero nagpakita ng katapatan sa kanilang komunidad, tapang sa harap ng maraming hamon, at talas ng pag-unawa sa kahalagahan ng sariling pagpapasya o self-determination.

Sa kabuuan ng ating bansa, masuwerte tayo na meron tayong mga komunidad ng mga katutubo. Sila ang tagapangalaga ng ating pinag-ugatan, at ating kasaysayan at kultura. Sila ang tagapangalaga ng ating napakaganda at napakayamang kapaligiran — bundok, gubat, ilog, dagat. 

Atin silang itatanghal, mga kapatid na hanggang ngayon ay nakikibaka para sa karapatan ng sariling pagpapapasya. Natutuwa ang Bantayog sa pagkakataong makilahok sa gawaing edukasyon at pangkultura na isasagawa mula ngayon hanggang sa buong buwan ng Setyembre kasama ng Sandiwa Network of Advocates for National Minority Rights. Sumusuporta ang Bantayog sa mahirap na tinatahak na landas ng ating mga katututbo. Napatunayan sa nakaraan na ang pagkakaisa nating lahat, lamang ang makakapagbigay ng ating hinahanap na hustisya, demokrasya at totoong pag-unlad. 

Bago ako magsara, hihilingin kong pasyalin din ninyo ang malaking monumento na ating tinatawag na Inang Bayan. Sa ating mga pakikibaka sa lipunan, kung tayo ay mapasalampak sa hirap, sa pighati, o sa lungkot, aakuin tayo ng ating Ina, ang ating bayan, at sa kanyang pagyakap, tayo ay mag-iipon uli ng lakas at tibay ng loob, para sa mga darating na mahihirap na araw– Covid man yan, o mapagsamantalang mga korporasyon, o pabaya o abusadong pamahalaan. Iisa tayo. Lahat tayo ay Pilipino. Tayo ay magtutulungan.

Salamat, at mabuhay kayong lahat.

Cordillera heroes at the Bantayog ng mga Bayani
Share the story