(Mensahe ng malugod na pagsalubong ng dating Senador Wigberto Bobby Tañada, tagapangulo ng Bantayog ng mga Bayani, na binasa ni Gng. May Rodriguez, punong tagapagpaganp, sa okasyon ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan (Independence Day), Hunyo 12, 2017)
Magandang umaga po sa inyong lahat. Wini-welcome ko kayong lahat ngayong umaga, na kayo ay dumating, upang tayo ay magsasama-sama dito sa Bantayog ng mga Bayani sa pagdiriwang ng araw ng kapanganakan ng ating bayan.
Ika-12 araw ng Hunyo ng 1898 noong ideklara sa Kawit, Cavite, ang ating kalayaan bilang isang bansa. Kasagsagan noon ng rebolusyon ng mamamayan laban sa bansang Espanya, isang rebolusyong hindi natapos, dahil naman pagsakop ng bansang Amerika sa ating bayan.
Kaya bago 1962, ang ating ipinagdiriwang na independence day ay 4th of July na kopya sa American independence day. Ganumpaman, sa mga panahong ito ipinanganak ang ating pagiging Pilipino.
Kaya marahil magandang okasyon ngayon upang atin muling balikan ang masalimuot na kasaysayan ng ating kalayaan. Kailan tayo tunay na naging malaya? Tayo ba ay malaya ngayon? Ano ang nagbabadyang mga banta at paano natin haharapin ang mga bantang ito sa ating kalayaan? Sino ba ang bayani at ang huwad na bayani para sa ating kalayaan? Ang kaaway?
Ayon sa ating historian na si Renato Constantino (Insight and Foresight, p7), mahirap ang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas. Madalas ang alam natin ay bungi-bungi at hitik sa distortions. Ganumpaman, aniya, dapat intindihin ang nakaraan dahil naroon ang ugat ng ating mga kasalukuyang problema, at doon matutukoy ang gusto nating tahakin sa ating hinaharap.
Ang tunay na kasaysayan, sabi niya, ay iyong sinulat sa pananaw ng mamamayan. Iyong nakabatay sa mahirap at mahabang pakikibaka at paglaban. Mula sa ganyang pakikibaka, lumitaw ang pagiging Pilipino.
Gamitin natin ang araw na ito, kung ganun, hindi lamang para sa selebrasyon at pagpipiyesta kundi sa pagbabalik-tanaw sa ating nakaraan bilang isang bansa. Kumuha tayo dito ng lakas sa ating tuloy-tuloy na pakikibaka — na mukhang di pa nga tapos, — para sa kalayaan, demokrasya, at hustisya. Magandang araw po sa inyong lahat.